Monday, December 21, 2009
Magnolia Ice Cream
Ilang fieldtrips na rin ang pinagbigyan ng Magnolia Corporation lalu na sa kanilang Magnolia ice cream factory. Madalas kase noon, puro educational ang mga fieldtrip sa school. Zoo o kaya factory ang madalas binibisita ng mga bata noon. Layunin kasi parati ng mga guro noong araw na matuto ang mga bata tungkol sa kanilang paligid at sa kanilang mga nakikita, ginagamit o nakakain sa pang araw-araw. Ang nasa larawan ay ang lumang Magnolia ice cream factory. Nakapunta rin ako rito at ang kuya ko dahil sa fieldtrip. Talagang kilalang kilalang household brand ang Magnolia. Kapag ice cream ang usapan, hindi maaaring hindi Magnolia ang unang salitang papasok sa iyong isipan. Ang mga produkto ng Magnolia ay naging bahagi ng halos lahat ng umaga ng bawat pamilyang pilipino noong 80's. Ang Magnolia Chocolait o kaya Milk ang karaniwang pamatid uhaw tuwing agahan. Hindi katulad ngayon, ang mga inuming ito ay nakalagay sa signature bottle na ito ng Magnolia. Ang takip niya ay papel at hindi tanzan. Palibhasa, sa aking palagay, dahil mas inaalala pa noon ng mga manggagawa ang kalusugan ng bawat konsumer, iniiwasan nilang gumamit ng plastic na hindi na marerecycle o kaya tanzan na may posibilidad na mangalawang. Tandand tanda ko pa, tuwing magbubukas ako ng ref at may bote ng Magnolia chocolait drink sa loob, gising na gising na ako at sabik na sabik kumain. Dahil ang mga magulang ko ay parehong nagtatrabaho, madalas ang aming Sabado at Linggo ang oras ng pamilya. Siyempre 80's, nanonood kami ng betamax, kumakain ng meryendang luto ng aming nanay at ang highlight ng araw ay pag may uwing ice cream ang aming papa. Talagang enjoy na enjoy namin ang pagkain ng icecream habang nanonood ng nirentahang betamax ng aming tatay sa loob ng kanilang kwarto. Madalas, pag magkakasama na kaming lahat, ang palabas ay karaniwang ang gusto ng aming mama o papa. Ngunit madalas din ay pambata ang palabas tulad ng ET. Naaalala ko pa ng mapanood namin yon. Suki rin kami ng mga Benji movies. Mahilig rin kasi sa aso ang tatay ko. Ganoon kami magrelax noon bilang pamilya. At ang Magnolia ay naging saksi at bahagi ng aming buhay noong 80's...
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment