link: click VIDEO to watch
Thanks to THX1968 for the upload
Isa ito sa mga sikat na foreign film noong 80's. Isa siyang action flick na may pagkafuturistic ang tema. Ito ay kwento ng isang pulis na walang awang pinatay at pagkatapos ay binuhay muli sa isang katawan ng robot. Robocop is a combined word of robot and cop.
Noong araw, kahit ngayon, hindi mahilig ang aming pamilya na magpunta ng mga malls o manood ng sine. Ngunit noong ako'y bata pa, masipag ang aking tatay na mag-uwi ng mga hiniram nyang betamax tapes. Mahilig din naman kasi siyang manood ng mga palabas. Kaya nga lang, palibhasa'y pareho silang nagtatrabaho hindi na nila makuha pang ipagpalit ang dalawang araw na pahinga para lang sa pamamasyal sa mall at panonood ng sine. Tuwing Sabado, pag gising namin ng mga alas nuwebe, luto na ang agahan at nandiyan na ang mga tapes na aming panonoorin. Kuntento kami sa ganitong set-up. Nasa bahay ka lang, kumakain at nanonood. Pero isang beses naisipin ng aming mama at papa na dalhin kami ng aking kuya sa SM (North Edsa). Hindi ko na malaman kung dahil sa kami ay may importanteng bibilihin o dahil lamang sa gusto nilang magrelax kaya kami nagpunta. Tapos, naisipan ng tatay ko na papanoorin kami ng sine dahil noong mga panahong iyon sikat ang palabas na Robocop. At ayun na nga, buong pamilya kaming bumili ng ticket at pumasok sa loob ng sinehan. Di katulad ng mga sinehan ngayon na garantisadong may upuan ka na kaagad, noon ay maaaring "SRO" ang isang sinehan. SRO, meaning, Standing Room Only. At pwede mo rin ulit-ulitin ang palabas ng ilang beses kung gugustuhin mo. Kung sakaling SRO ang dinatnan mong sinehan, maaari ka na lamang umupo sa sahig kung ayos lang sayo o di kaya naman maghihintay ka ng aalis at may bakanteng upuan. Maswerte naman kami at nakaupo kami kagad para panoorin ang palabas. Tuwang-tuwa naman kami sa aming experience na manood ng isang palabas sa loob ng sine at hindi sa loob ng kwarto ng aming nanay at tatay. Maganda ang palabas. Maaawa ka sa bida (Alex J. Murphy na ginanapan ni Peter Weller) dahil sa kanyang pagkamatay at mamangha ka rin sa setting ng palabas dahil kunwari ito ay sa future. Madadala ka ng habulan ng bida at ng mga kalaban. Mapapaiktad ka rin tuwing sila'y nagbabarilan. Dalang dala kami ng palabas nang biglang "BOOOOOMMMM!!!!"...di, actually, may biglang nakakasilaw na spark sa aisle ng row ng mismong aming kinauupuan. Talagang hindi napigilan ng mga manonood ng palabas na magtakbuhan at magpanic. Para kasing may pagbabantang pagsabog ang spark na iyon. Nagkastampede sa loob ng sinehan! At dahil biglaan ang paglabas ng mga tao, siksikan sa mga exits nito. Buti na lang, ang aking tatay noong panahon ay malaki ang katawan at talaga namang physically fit, isinandal niya kaming mag-iina sa dingding at saka unti-unti niya kaming inuusog papalit sa exit. Tulakan ng tulakan ang mga tao dahil sa takot at pagmamadaling lumabas. Malakas naman ang tatay ko at hindi siya naitulak ng mga tao. Di na namin namalayan ay nakalabas na kami ng sinehan. Buhay pa kami!! haha.. Minsan na nga lang kami nanood eh traumatic pa yung experience. Simula noon talagang betamax na lang ang aming inaabangang mapanood.
Ngayon? Nanonood naman kami ng mga kapatid ko ng sine.. ang mama at papa ko?? Di ko lang alam! =]
Monday, December 21, 2009
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment