Tagutaguan sa ilalim ng buwan kay sarap maglaro sa dilim diliman. Wala sa harap wala sa likod wala sa gilid... Gaaaaaaameeeeee???
isa, dalawa, tatlo, apat, lima, anim, pito, walo, siyam, sampu!Isa ito sa mga larong, ika nga kung sa linya, ay gasgas na gagas sa aming magpipinsan noong kami ay bata pa. Dahil dalawa lang kami ng aking kapatid noon at ganun din ang aming mga pinsan, kami kami ang magkakalaro. Tuwing uuwi kami galing eskwela ay ihahatid kami ng aming tito sa bahay ng aming lola at doon namin hihintayin ang aming mga magulang umuwi galing trabaho at saka palang kami uuwi sa aming bahay.
Ibang iba ang paligid ng bahay namin noon. Pati simoy ng hangin iba. Ang bahay ng aming lola ay may dalawang palapag, may lilong ito na may malaking puno ng santol at sa ibabang palapag nakatira ang aming mga tiyo at tiya. Dahil ang mga magulang naming lahat ay nagsisipagtrabaho, kami kami lang ang naiiwan sa bahay. Sabagay, hindi naman kami naiiwang walang matandang kasama dahil ang isa sa aming mga tiya ay isang housewife. Ang aming laruan ay ang sala at lilong. Sa hapon, kapag maagang nakakauwi ang aming lolo at lola galing sa kanilang paupahan, pwede kaming maglaro sa labas (na karaniwan ay sa tapat lamang ng bahay namin). Dahil ang katabing bahay namin ay may malawak na garden na di na nilang nakuha pang taniman, naging malawak na talahiban na puno ng mga paru-paro at tutubi ito. Ibat' ibang laki at kulay ng paru-paro ang lumilipad dito. Kaya naging ugali naming hawiin ang mga talahib para lalung maglabasan ang mga ito at lumipad sabay-sabay. Nanghuhuli rin kami ng mga tutubi. Pagsapit ng dapit hapon, uupo kami sa hagdanan sa labas sa may terrace para panoorin ang pagkarami-raming mga ibon na nagliliparan sa langit para humapo na sa kanilang mga pugad. Sa gilid ng bahay namin ay may malaking puno ng mangga at dito naman kami humuhuli ng salagubang. Amoy damo ang simoy ng hangin at puro kuliglig ang maririnig mo sa gabi. Ito ang kapaligiran ng isang batang 80's noon.
Kapag napapayagan, walang katapusang laro ang ginagawa namin sa labas. Langit-lupa, monkey-monkey. chinese garter, patintero at siyempre taguan ang ilan sa paborito naming mga laro. Tuwang tuwa kami pag pumayag lahat na maglaro ng taguan. Siyempre, malas ng taya pag nabuburot siya kaya naman pagalingan ng tago at paghahanap! Hindi ako kasing galing ng kuya ko magtago (na kahit tapos na yung laro eh hindi pa namin nakikita), pero bilis ng takbo ang bentahin ko. Kahit makita ako kaagad siguradong mauunahan ko sa base yung taya. Grabe ang saya ng larong ito. Andiyang magkapikunan kaming magpipinsan, andiyang may madapa tapos matigil ang laro, andiyang magkabintangan ng dayaan, at kung anu-ano pa.
Nakakalungkot nga lang at bihira ko nang makita ang bata ngayon na naglalaro nito. Dati, maingay ang kalye dahil sa mga batang naglalaro ng mga ganitong klaseng laro. Ngayon, hindi na. Naisip ko tuloy, pag umuwi ang mga pinsan ko galing States, maglalaro kami ulit nito. Tapos isusulat ko dito kung ano nangyari.
Ping your blog
1 comment:
hahaha natuwa ako sa nabasa ko dito,
Post a Comment