...EIGHTIES PINAS...

...EIGHTIES PINAS...
GIMIK Month for 80's Warpback
Bagets is to the 80's as GIMIK is to the 90's.. As ABS-CBN granted the wish of many, let us relive the 90's thru one of the best barkadas during that era--Gimik!

Monday, December 21, 2009

Takot ako eh...sa kalbo

Tandang tanda ko pa nang mapanood ko ang palabas na ito kung saan talaga namang kinaaliwan ng lahat ang batang si Matet. Akala ng marami sa Halimaw sa Banga sinabi ni Matet ang pamosong linyang "Takot ako eh" pero ang katunayan niyan ay dito sa palabas na ito niya iyon sinambit. Kung pamilyar kayo sa foreign movie na Mommy Market (Sissy Spaceck), may ganitong tema din ang palabas na ito. Sa pamamagitan ng time machine na ginawa ng kanilang tatay (Jaime Fabregas) ay tinatangka nitong ibalik ang kanilang yumaong ina. Kaya ko ito naalala dahil sa isang nakakatawang experience ko noong bata pa ako.
Noong panahon ng 80's hindi pa gaano busy ang mga magulang noon, di gaya ngayon. Kaya madalas naisasama ako ng mama ko sa palengke. Malilinis ang mga palengke noon at di mabaho pwera na lamang kung pupunta ka sa tindahan ng mga isda, maaamoy ng konti ang lansa doon. Pero sa kabuuan, malinis at maayos ang mga palengke noon. Nakatira kami sa West Fairview noon kaya sa Fairview market namimili ang mama ko. Palibhasa'y dadaan kami sa tindahan ng ice cream pagkatapos mamalengke, pinipilit ko talagang sumama sa kanya. Naaalala ko pa na ang paborito naming dalawa ay ang pinipig crunch ng Magnolia. Malaki di hamak kaysa sa mga tinitinda ngayon na pinipig crunch ang binibili namin sa tapat ng palengke.
Habang hawak hawak ako ng mama ko, natanaw ko sa di kalayuan ang isang tinderong kalbo. Talagang wala nang buhok si Manong. Ang totoo nga nyan kahawig na kahawig niya si Mr. Bembol Roco lalu na nung nagcameo siya sa Bagets 2. Hindi ko na maintindihan ang aking mararamdaman dahil doon sa gawing iyon patungo ang nanay ko. Nang maramdaman kong hindi mababago ang patutunguhan namin, bigla na lang daw akong pumalahaw ng iyak sabay sigaw ng "AYOKO NG KALBO! AYOKO NG KALBO!! AYOKO NG KALBO!!!". Akala mo'y may kinatay na baboy sa lakas ng aking paghugulgol dahil lamang sa mamang tinderong kalbo na nananahimik naman kasama ang kanyang mga paninda at hindi naman ako inaano. Hindi ko na matandaan ang nangyari pagkatapos noon, kaya't ngayon, madalas pag gusto kong matawa, pinapakwento ko ulit sa mama ko kung anong nangyari noong araw na iyon. Tapos tinatanong ko kung ano ang reaksyon ng kawawa't pobreng kalbong tindero. Sabi ni mama, palibhasa'y alam naman raw na bata ako ay hindi dinamdam ng manong ang aking pagwawala. =]

Kamusta na kaya siya ngayon? Naaalala pa rin kaya niya ako???

No comments: