...EIGHTIES PINAS...

...EIGHTIES PINAS...
GIMIK Month for 80's Warpback
Bagets is to the 80's as GIMIK is to the 90's.. As ABS-CBN granted the wish of many, let us relive the 90's thru one of the best barkadas during that era--Gimik!

Friday, December 25, 2009

Olympus Pen EE3

Ngayong araw, marami akong kayamang natagpuan. Hindi ako naghukay, nagtanong lang. Totoong ang panahon ngayon ay internet age na. Marami kang kayang gawin dahil sa galing ng teknolohiya ngayon. Sabi nga ng iba, wala ka na ngang HINDI kaya gawin. Lahat ay posible. Tunay namang maraming dalang pakinabang ang makabagong teknolohiya ng makabagong panahon. Ngunit may mga bagay na hindi kailan man matatapatan ng siyensya.

Tulad nga ng nabanggit ko kanina, marami akong nakitang kayamanan ngayong araw na hindi ko lubos akalaing nandito lang pala mismo sa aking paligid. Matagal ko na dapat sinimulang magtanong nang nakuha ko agad ang mga ito. Akala ko kasi makikita ko "lahat" sa internet.

Simula bata pa kami, mahilig ang aking nanay na kuhanan kami ng souvenir. Madalas, napapagkwentuhan namin ng kuya ko (wala pa ang mga sumunod naming kapatid noon) ang hirap namin na ngumiti pag kinukuhanan kami ng litrato. Hindi kasi kami sanay na humarap sa kamera. Ang totoo nyan, hindi kami sanay ngumiti para sa iba. Hindi kasi kami lumaki sa pamilyang "showy" and "touchy". Isang patunay ay, nang ako ay lumaki na at kaya ko nang mag-alaga ng mas nakababatang pinsan o kapatid, madalas ay pinipisil ko ang kanilang pisngi dahil sa gigil. Naku, pag andiyan ang nanay ko o tatay ko ay hindi ko ito magawa. Pagsasabihan kase nila ako, "Huwag mong pisilan yan! Luluyluy ang mukha nyan!" Madalas pasigaw pa ito lalu na pag nakurot ko ng masakit ang mukha ng bata.
Birthday, Pasko, Bagong Taon, namamsyal sa Luneta, hanggang quarterly recognition at graduation, bitbit bitbit ng nanay ko ang kamera nya. Hindi siya mahilig kumuha ng litrato na tipong parang propesyonal. Actually, isa lamang siyang "propesyonal nanay-tographer". Picture dito, picture doon ang gawa niya tuwing kami ay aakyat sa entablado o kahit kami ay naggugupit lang ng damo gamit ang maliit na gunting.

Kanina, habang ako ay naghahanap ng ilan pang mga litrato ng aking kabataan, naisip kong marahil ay mayroon pa kaming mga gamit noong ako'y bata pa na naririyan pa. Dahil mga lumang litrato ang tinitingnan ko, naisip ko kaagad ang kamera. Tinanong ko ang aking nanay tungkol sa kanyang kamera. "Nasa papa mo, nakatago," sabi niya. Inintay kong magising ang tatay ko at agad kong tinanong. Sa wakas, iniabot niya sa akin ang isang maliit na bag. Pagbukas ko ay nakita ko ang kamera ng nanay ko.

Hinanap ko ito sa internet at natuklasan ko na ito ay Olympus Pen EE3. Original na gawang Japan ang kamera ng nanay ko. Hindi ito sira at talagang gumagana pa. Sa sobrang tuwa ko, hiningi ko agad sa nanay ko ito (sabagay, wala naman akong ibang kompetisyon dahil hindi naman gaano kahilig sa kamera ang mga kapatid ko). Ibinigay naman niya. Sabi niya mainam daw na pagpraktisan ito dahil "half-frame" siya. Ibig sabihin kung ang film mo ay maaaring kumuha ng 12 shots, pag gamit mo ang kamera nya 24 ang maaari mong kunin.

Bukas na bukas rin ay bibili ako ng film at susubukan ko kumuha ng litrato. Pag-aaralan ko rin kung paano idevelop ang mga litrato. Magtatanong ako sa Tito Lito ko! =)


Ping your blog

2 comments:

Maia said...

Nakakatuwa naman. Ako isang lumang Canonet na camera naman ang nahanapan ko sa kabinet ng Mama at Papa ko. Konting linis at ayos, eto gumagana pa rin. Goodluck sa pangunguha mo ng mga larawan!

80's Pinas said...

Thanks, Maia!!! =)