...EIGHTIES PINAS...

...EIGHTIES PINAS...
GIMIK Month for 80's Warpback
Bagets is to the 80's as GIMIK is to the 90's.. As ABS-CBN granted the wish of many, let us relive the 90's thru one of the best barkadas during that era--Gimik!

Friday, December 25, 2009

Titus, Self-winding Watch


Ang relos na ito ay pag mamay-ari ng aking tatay. Umaandar pa 'yan at nagagamit pa rin hanggang ngayon. Kitang kita naman sa mga gasgas nito ang dami ng taon ng pagsisilbi nito sa kanya. Tandang tanda kong ito ang gamit at parating suot ng tatay ko tuwing papasok sa trabaho simula noong bata pa ako. Ang tatay ko kasi ay parating aware sa oras. Palibhasa'y disiplinado at laging nasa oras, hindi ito maaaring umalis na hindi suot ang kanyang relo.

Kanina, habang naghahanap ako ng mga larawan na maaaring tumulong sa aking pagbabalik-tanaw sa nakaraan, naisipan kong tanungin siya kung mayroon pa siyang natatagong bagay na kabilang sa 80's. Agad-agad siyang tumuro sa kanyang mesa at doon nakasabit ang isang matanda at gasgasing relo.

Ang tatak ng relo niya ay Titus. Ito ay self-winding, samakatuwid, hindi na nito kinakailangan ng baterya para umandar. Sinubukan kong hanapin sa internet ang modelo nito at baka sakaling may makuha pa akong ibang impormasyon tungkol dito. Ngunit, sa kasawiang palad ay wala akong natagpuan.

Inaamin niya na siya ay may fascination sa mga relo. Sa katunayan, habang kaming magkakapatid ay lumalaki madalas niya kaming bilihan ng relo. Naaalala ko tuloy noong ako ay grade 5. Usung uso ang Benetton at Boy London na relo. Dahil marami sa aking mga kaklase ang may suot na relo, nainggit ako. Pag-uwi ko sumimple ako sa aking nanay at tatay.. "Lahat ng classmate ko sa school may relo," sabi ko. Sumagot naman agad ang nanay ko "O, eh ang dami mo namang relos diyan ah." "E hindi naman yun ang uso eh. Puro Benetton nga ang suot nila at saka Boy London tapos yung akin Quartz lang," medyo asar pa ang tono. Natapos doon ang usapan.

Lumipas ang ilang araw at paparating na ang pasko. Sa aking pananabik, nagkaroon ako ng pakiramdam na reregaluhan ako ng relo ng tatay ko. Nang minsang wala sila at nasa opisina, binuksan ko ang kanilang aparador at inakyat ko ang pinakataas na shelf. Nakita ko ang isang relo...pero hindi siya Benetton o Boy London. Swatch siya. Nalungkot ako dahil hindi iyon ang inaasam asam kong relo pero natuwa ako dahil alam kong pinakinggan ng tatay ko ang walang kwenta kong paawa.

Noong una'y nahirapan pa ako sa aking bagong Swatch na relo dahil walang numero ito. Kinalaunan, dahil halos ako lang ang naiiba (bagong labas pa lang kasi ang Swatch noon), natutunan kong enjoying ang aking relo. Di nagtagal naging isang sikat na brand ng relo ang meron ako.

Ping your blog

No comments: